HONORABLE RON P. SALO
KABAYAN Party-list
Assistant Majority Leader
Vice Chair, Basic Education & Culture and Rural Dev't
Member, Committees on Justice, Appropriations,
and 10 other Committees
HULIHIN NANG BUHAY ANG MGA SUSPEK
Nanawagan si Assistant Majority Leader at KABAYAN Party-list Congressman Ron Salo kay Philippine National Police Chief Ronald "Bato" Dela Rosa na iligtas ang mga inosenteng kabataan sa droga.
Dapat isalba ng PNP kahit pa iyong mga kabataang sangkot talaga sa ilegal na droga na ginagamit ng mga sindikato bilang runner, kolektor, distributor, at lookout. "Hulihin sila nang buhay. Buhay hindi patay," diin ni Salo.
Inilabas ng kongresistang kasapi ng House Justice Committee ang pahayag sa gitna ng pagkakasangkot ng mga pulis sa mga kwestiyonableng pagkakapaslang sa mga menor-de-edad na sina Kian Loyd Delos Santos, Carl Angelo Arnaiz, at Reynaldo de Guzman kamakailan.
Sa halip na big time drug lords, smugglers at mga protektor nito ang mapanagot sa batas, puro mga menor-de-edad at mga pipitsuging suspek umano ang tumutumba sa war on drugs ng PNP, kantiyaw ni Salo sa open letter nito kay PNP Chief dela Rosa.
Pinalutang din ni Salo na maaaring samantalahin ng mga drug lords ang sitwasyon at utusan ang mga bataan nilang iskalawag na pulis na pumatay pa ng mga inosenteng kabataan para lalo pag-alabin ang galit ng publiko laban sa war on drugs ng pamahalaan.
Nitong Miyerkules, natagpuang patay sa Gapan City, Nueva Ecija si Reynaldo de Guzman, ang 14-anyos na kasamang nawala ng pinaslang na 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz. Tadtad ng saksak sa katawan si de Guzman at nakabalot pa ng packing tape ang ulo nang matagpuan.
Si Arnaiz naman ay napatay ng mga pulis Caloocan matapos umano nitong mang-holdap ng taxi at makipagbarilan sa mga pulis. Gayunman, lumabas sa autopsy report ng Public Attorney's Office na tinortyur muna si Arnaiz bago pinatay. (WAKAS)