Pinasalamatan ng labinlimang (15) out-of-school-youth (OSY) at Youth with Disabilities (YWD) mula sa siyam na bayan ng lalawigan ng South Cotabato at Koronadal City ang Information Technology Literacy Program ng pamahalaan na ipinatutupad ng South Cotabato Provincial Government, Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), Engineers without Borders (EWB) of Canada at iba pang ahensiya ng pamahalaan at NGOs.
Ang proyekto na pinanganlang Sharing Computer Access Locally and Abroad (SCALA) ay naglalayong matulungan ang mga 15-24 taong-gulang na kabataang mahihirap at interesado na magkaroon ng kaalaman sa Computer at information technology. Ang pagsasanay ay isinasagawa sa SCALA Office sa provincial Capitol Compound sa loob ng anim na buwan sa pamamagitan ng tulong pinansiyal mula sa South Cotabato provincial government at PSWDO.
Inihayag ni SCALA center in-charge Ma. Corazon M. Obenieta sa Philippine Information Agency na ang proyekto na sinimulan noong July 2007 ay nakapagpatapos na ng tatlong batch ng grupo ng 15 recipients. Ayon kay Obenieta malaking tulong ang proyektong SCALA sa mga OSY at YWD ng lalawigan upang sila ay maging produktibo at mabuting mamamayan ng lipunan.
Ang SCALA ay tumutulong din sa pagbibigay sa mga kabataan ng access para sa mga scholarship grants, TESDA examination, Job Searching at counseling, Medical, Financial at Food Assistance at Livelihood opportunities. - PIA