REP. JOCELYN P. TULFO
ACT-CIS Party-list
Member, Committee on Social Services
https://www.facebook.com/jocelyntulfoinaction/ | 09177292437
PAGHIHIMAY NG MGA ISYUNG SANGKOT SA PAHAYAG NI POPE FRANCIS PABOR SA CIVIL UNIONS PARA SA HOMOSEXUALS O LGBTQ+
Malinaw sa sinabi ni Pope Francis na mga batas ng mga gobyerno para sa same-sex civil unions ang pabor siya para sa mga homosexuals o LGBTQ+. Hindi niya tinuran ang mga kasal sa simbahan. Hindi niya nabanggit ang canon law o ecclesiastical law ng Simbahang Katoliko.
Pero mayroon pa ring bigat ang mga salita ni Pope Francis dahil siya ang lider ng isang bilyong Katoliko sa buong mundo at 80 to 90 million niyan ay mga Pilipino. May bigat ang sinabi ni Pope Francis kahit na hindi ito sa porma ng isang batas ng Simbahang Katoliko.
Sinabi ni Pope Francis ang kanyang pananaw sa isang interview para sa isang video documentary. Hindi niya sinabi ang kanyang posisyon pabor sa homosexuals sa pamamagitan ng isang Papal Encyclical o sa isang Apostolic Constitution o Papal Decree. Samakatuwid, hindi opisyal na posisyon o batas ng Simbahang Katoliko ang pahayag sa isang interview para sa isang documentary.
Opisyal na dokumento at opisyal na batas, posisyon, turo, at doktrina ng Simbahang Katoliko kapag Apostolic Constitution o Papal Decree.
Ang Papal Encyclical ay isang pastoral letter ng Santo Papa sa mga Katoliko sa buong mundo, pero hindi batas ng simbahan ang nakapaloob sa isang Papal Encyclical.
MGA BATAS AT PANUKALANG BATAS
Dumako naman tayo dito sa Pilipinas.
Sa ating mga umiiral na batas, ang kasal o marriage o matrimony ay sa pagitan lamang ng isang babae at isang lalaki, dalawang tao na nasa hustong edad. Ang kasarian na nakasaad sa batas ay iyong nakasaad sa birth certificate.
Kaya naman kung halimbawa, ang isang bading o beki ay ikakasal sa isang lesbian o tomboy, pasado iyan sa ating batas, ang Family Code of the Philippines, dahil ang reference o pamantayan ay ang kasarian ng dalawang ikakasal ayon sa nakasaad sa kanilang birth certificate.
Noong wala pang Family Code, ang batas tungkol sa kasal ay nakasaad sa Civil Code at sa Civil Code noon sinasabi lang na may karapatang makasal ang lalaki at ang babae. Hindi sinabi noon na sa pagitan lamang ng isang babae at isang lalaki ang kasal. Bagamat ang batas noong nabanggit ang husband at wife, hindi naman nasabi o ipinagbawal na ang kasarian nung wife ay lalaki o ang kasarian ng husband ay babae dahil walang gender identity issues noon sa Civil Code.
Apat na uri ng pagsasama at kontrata ang isyu ngayon: Marriage, Civil Union, Civil Partnership, at Partnership. Pinakamataas ang marriage o kasal. Sunod diyan ang civil union. Sunod naman ang civil partnership. Pinakamababa ang simpleng Partnership.
Mayroon nang umiiral na batas para sa marriage (Family Code) at partnership (Law on Obligations and Contracts ng Civil Code of the Philippines. Panukalang batas pa lang ang civil partnership. Sa House of Representatives, mayroong dalawang bill ukol sa civil partnership at dati mayroong bill sa same-sex property relations. Sa Senado, mayroong bill tungkol sa property relations ng same-sex partners, pero walang bill tungkol sa civil union o civil partnership, o marriage para sa same-sex partners.
COMPARISON TABLE (SEE ATTACHED FILE)
SIMPLENG PARTNERSHIP CONTRACT
Ayon sa Kodigo Sibil o Civil Code of the Philippines, kahit sinong tao ay maaaring pumasok sa isang kontrata basta hindi ito labag sa batas, public policy, public safety, public health, at public morals. Partnership ang tawag sa ganito sa batas, sa Civil Code. Partnership na katulad ng pang-negosyo.
Halimbawa, kung ang dalawang lalaki o dalawang babae o dalawang LGBT ay magpirmahan ng kontrata na nakasaad ang kanilang kasunduan na may gagawing serbisyo, trabaho, o produkto, ito ay maaari pero limitado sa batas ukol sa Obligations and Contracts ang saklaw ng kontrata.
Maaari silang bumili ng bahay at lupa o condominium units at nakapangalan sa kanila bilang joint owners ang binili nilang bahay. Maaari silang magtayo ng isang negosyo at nakasulat sa kontrata ang hatian ng kita at bayarin maaari silang may kasunduan sa pagbabayad ng mga gastusin sa bahay. Sa mata ng batas, sila ay co-owners.
Pero sa isang kontratang katulad ng para sa business partners o co-owners, hindi kasama ang mga bagay tulad ng adoption na silang dalawa ang magiging legal adoptive parent kasi isa lang sa kanila ang ituturing na adoptive parent kung mag-ampon sila habang hindi adoptive parent iyong isa.
Hindi rin kasama ang end-of-life and medical emergency decisions sa kontratang ganyan kasi nakareserba pa iyan sa ngayon sa pagitan ng mag-asawang kasal o spouses o common law husband and wife.
Para sa mga pabor sa civil union, gusto nila na bigyan sila ng karapatan sa batas para sa medical emergency consent at end-of-life decisions, at karapatang mag-ampon na silang dalawa ang ituturing na legal adoptive parents.
Gusto rin sana ng LGBTQ+ na nagsasama na kasama sila sa inheritance o mana pero hindi sila kasama sa listahan ng compulsory heirs dahil nga hindi sila itinuturing na mag-asawa
Ang tinatawag na conjugal partnership ayon sa Family Code ay para lamang sa babae at lalaking kasal o spouses. Nakapaloob sa conjugal partnership ang ari-arian at income ng mag-asawa mula sa panahong sila ay kasal. Nakasaad naman sa Civil Code at Tax Code at mga kaugnay na batas ang hatian ng mana at mga bayaring buwis.
Maaari lang magkaroon ng bahagi o share ang isang kinakasamang LGBTQ+ sa properties ng kanyang partner kung mailipat sa kanya nang legal ang titulo ng propriedad sa pamamagitan ng sale or donation. (END)