Saturday, May 13, 2017

DepEd muling binuksan ang SHS Voucher Program online application

DepEd muling binuksan ang SHS Voucher Program online application para sa mga Grade 10 completers

 

PASIG CITY, May 9, 2017 – Bilang paghahanda sa darating na pasukan sa Hunyo, muling binuksan ng Kagawaran ng Edukasyon ang Senior High School Voucher Program (SHS VP) online application para sa Grade 10 completers na nagnanais mag-enroll sa mga pribadong paaralan.

 

Ayon sa Kagawaran, ang programa ay naglalayong matulungan ang mga estudyante na makapag-aral ng Senior High School sa mga pribadong eskwelahan sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansyal para sa matrikula.

 

Ang online application ay mula Mayo 1-15 lamang at ang resulta ay ilalabas sa Mayo 30. Ito ay upang bigyan ng pagkakataon ang mga Grade 10 completers na hindi nakapag-apply noong unang application period na mula Nobyembre 2016 hanggang Pebrero 2017.

 

Ang maaari lamang mag-apply ay ang mga Grade 10 completers sa pribadong paaralan na hindi kabilang sa Educational Service Contracting(ESC). Samantalang ang mga Grade 10 completers na galing sa pampublikong paaralan at ESC grantees ng pribadong paaralan ay awtomatikong kwalipikado na sa programa.

 

Sa ilalim ng programa, ang mga Grade 10 completers mula sa pampublikong paaralan ay mayroong P22,500 halaga ng voucher kung sila ay mag-aaral sa pribadong paaralan na nasa National Capital Region (NCR); samantalang  P18,000 naman para sa mga Grade 10 completers mula pribadong paaralan.  Ang mga Grade 10 completers mula sa pampubliko at pribadong paaralan na nais mag-enrol sa State at Local Universities at Colleges ay may P11,250 halaga ng voucher.

 

Mayroon ding nakalaan ang programa para sa mga estudyanteng nasa labas ng Metro Manila o nasa Highly-Urbanized Cities. Ang halaga ng voucher ay P20,000 para sa mga Grade 10 completers mula sa pampublikong paaralan; at P16,000 naman para sa mga Grade 10 completersmula sa pribadong eskwelahan. Para sa mga nag-nanais na mag-enrol sa State at Local Universities at Colleges, ang halaga ng voucher ay P10,000.

 

Ang programa ay may nakalaan din para sa mga mag-aaral sa malalayong siyudad at munisipalidad. Ang halaga ng voucher para sa mga Grade 10 completers mula sa pampublikong paaralan ay P17,500; samantalang P14,000 para sa nagmula sa pribadong paaralan; at P8,750 para sa mga nagnanais na mag-enrol sa State at Local Universities at Colleges.

 

Binigyang-diin ng DepEd na walang bayad at pamantayang grado upang makapag-apply sa Voucher Program. Ang mga interesado ay dapat lamang mag-apply sa pamamagitan ng http://ovap.deped.gov.phOnline application lamang ang muling binuksan at hindi tatanggapin ang manual applications.

 

Ang SHS Voucher Program at ESC ay bahagi ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) ng pamahalaan na naglalayong mapalawak ang pagbibigay sa mga kabataang Pilipino ng oportunidad na makapag-aral sa pamamagitan ng pinansiyal na ayuda.

 

Kaugnay nito, nais linawin ng Kagawaran: Ang voucher ay hindi tseke o salapi na matatanggap ng mga estudyanteng kwalipikado. Ang halaga ng voucher ay direktang ibinabayad ng Kagawaran sa mga pribadong paaralan kung saan mage-enroll ang mga estudyanteng kabilang sa programa.

 

Para sa detalyadong impormasyon, maaaring bisitahin ang website na http://deped.gov.ph; Facebook: DepEd Philippines; at Twitter: DepEd_PH.

No comments: